Huwebes, Marso 3, 2016

Bakhawan Eco-Park, Aklan: Road to Forever by Alexyl V. Regalado




             1.2 kilometro. Makita pa lamang ang mga numerong iyan ay nakakapagod nang isipin, ano na lamang kaya kung lakarin lalo na sa mga tamad na kagaya ko? Ngunit kung ito naman pala’y sa Bakhawan Eco-Park ng New Buswang, Kalibo, Aklan ay tiyak na hindi ka makakaramdam ng init at pagod at hindi mo maiisip na malayo pa pala ang dulo nito lalo na kung kasama mo ang iyong pamilya, kaibigan o kasintahan. Sa halagang 100php ay nasilayan niyo na ang ganda ng kalikasan, nakapag ehersisyo pa kayo. :) 








Isa itong man-made forest na may lawak na 220 hektarya at pinamamahayan ito  higit kumulang 1.6 milyon na mga puno ng bakhawan o mangrove sa ingles.






















Upang maiwasan ang kalamidad sa lugar, napagisipan ng lokal na gobyerno at DENR noong 1990 na magtanim ng mga punong bakhawan sa noo’y isang mudflat lamang. Sa tulong ng gobyerno, NGOs at lokal na komunidad ay naging matagumpay ito. Dahil dito, binansagan itong “huwaran ng mga pinamamalaang kagubatan sa buong Asya at Pasipiko".





Ang pangunahing katangian at atraksyon ng parkeng ito ay ang lakarang may kahabaang 800 metro at ito’y gawa sa kawayan. Sobrang payapa dito at hindi ka makakaramdam ng pagod dahil habang naglalakad, tanaw ang hilera ng mga puno ng bakhawan, ay rinig na rinig mo ang huni ng mga ibon at damang dama mo ang simoy ng hangin na madalang mong maranasan sa siyudad. 





Sa medyo may kataasang tulay na nasa huling larawan ay ito ang iyong magiging view. 


 
Instagram-worthy, hindi ba?








May mga cottages din na nagsisilbing resting area kung sakaling ikaw ay mapagod sa paglalakad.












Sa dulo ng mahabang lakaran ay sasalubong sa’yo ang napakagandang tanawin ng dagat.







 Maaari mo ding matikman ang bantog na lokal na pagkain dito sa halagang Php200... ang tamilok. Ito’y isang uod na galing sa loob ng bakhawan. Must-try ito para sa mga gastronomic adventurer. 











Walang bayad ang mga tambayang ito at maaari pa kayong mag-piknik upang mas lalo ninyong maeenjoy ang hangin at ang tanawin ng dagat.  











At syempre, para mas maging kumpleto at worth-it ang pagpunta ninyo ay maaari kayong magbamboo rafting at kayaking. 


   Ito ang ilan sa mga litrato naming magkakaibigan noong kami ay nagpunta noong Marso 18,2015.
          (tip para sa mga estudyante: Magdala ng I.D para may discount)
  
                 

Oh diba? Hindi lamang Boracay ang mayroon sa Aklan. Idagdag niyo na rin ito sa nga mga to-go-places-list ninyo kapag kayo’y nakapasyal sa Aklan. Tinitiyak kong hindi ninyo pagsisisihan ang pagpasyal dito.

(Disclaimer: some photos are not mine. Credits to the rightful owners)

1 komento:

  1. GRABE! Ang ganda nga ng bakhawan eco-park! salamat alexyl, at kami ay nalibot mo sa inyong lugar! :D

    TumugonBurahin