"My True Love Subic"
Masasabik sa Subic
Kailan mo malalaman kung nakilala mo na yung ''True Love" mo?
Kailan mo malalaman kung siya na ba yung tamang tao?
Kailan mo masasabi na siya na nga?
Kailan mo mararamdaman na kayo na nga ang para sa isa't isa?
Kailan mo malalaman kung mahal mo na nga siya?
Yung tipong hinahanap-hanap mo siya,
Yung tipong siya nalang palagi yung bukambibig mo,
Yung palaging siya ang laman ng isip mo,
Yung hindi kumpleto ang araw mo kapag hindi mo siya nakikita, at Yung makita siyang masaya kahit ikaw nasasaktan na.
Lahat ng tao sa mundo may iba-ibang paniniwala, karanasan at pagtingin sa buhay pero isa lang ang alam kong magkakapareho ang mga tao, at yun ay ang isang tao ay UMIBIG, UMIIBIG, at IIBIG. Iba't iba rin ang klase ng pagmamahal. May pagmamahal sa kapwa, sa kaibigan,sa bagay, sa magulang, sa mga kapatid,ating iniibig at iba pa. Ngunit di ko inaasahan na may pagmamahal pala sa isang lugar o pook, na maaari palang mabighani at mapamahal sa isang lugar, dahil ako "I am proud to say that I Love Subic". Nagsimula ang pagmamahal ko sa Subic ng kami ay pumunta doon upang ipagdiwang ang aking kaarawan.
Malapit na naman ang aking kaarawan (Enero 8) at alam ko na kami ay maghahanda lamang o magsasalo-salo dahil ganoon naman palagi ang aming ginagawa ngunit sa hindi inaasahan ay nag-aya ang aking Ina upang pumunta sa Subic sa aking kaarawan, siguro ito na rin ang pahabol na bakasyon sa nakaraang pasko at bagong taon. Palagi kong hinihintay na dumating na ang araw na iyon sa sobrang galak at tuwa sa ipinaalam ng aking Ina, ngunit ang plano namin ay mag walk-in lamang sa isang hotel and beach resort.
Dumating na ang araw ng aking kaarawan at ito rin ang panahon na kami ay maglalakbay papuntang Subic. Mula bulacan kami ay nagbiyahe ng dalawa't kalahating oras upang makarating sa Subic, at pagkarating namin doon kami ay nagtungo sa isang Tourism Center na kung saan binigyan kami ng mapa ng Subic pati Olongapo na may mga marka kung saan ang mga hotels, resorts, kainan at iba pa. Nakita namin sa mapa na may hotel and beach resort malapit sa Ocean Adventure kaya't pinuntahan namin ito at pagkarating namin doon ay maganda ang itsura, maaliwalas, malinis, at sobrang tahimik, ngunit kami ay hindi doon tumuloy dahil sa tatlong dahilan: una, bawal magpasok ng pagkain at inumin. Pangalawa, ₱7,200 ang presyo ng isang kwarto na dalawa lamang ang kasya, pwede sumobra ng isa ngunit dagdag bayad ulit iyon. At panghuli, kami ay inoobliga na kumuha ng dalawang kwarto, at kung kukwentahin natin ay nasa ₱17,000 ang aming magagastos kasama ang pagkain at inumin kaya't tumingin kami sa mapa at nakitang may malapit na hotel and resort kaya't pumunta kami sa kalapit na hotel and resort, habang papunta kami doon ay nalulungkot na ako dahil hindi kami doon natuloy ngunit naisip ko din na hindi praktikal kung doon kami tutuloy at pagkarating namin sa kalapit na hotel and resort, kami ay nagulat at nanlaki ang mata dahil kakaunti lang ang tao doon at noong nalaman namin ang presyo ay doon namin naisip na kaya pala tahimik at kakaunti ang tao doon dahil ang mga kwarto doon ay nag-uumpisa sa presyo na ₱7,500- ₱16,500 at katulad ng naunang pinuntahan namin, dapat dalawang kwarto daw ang aming kunin, kaya't wala kaming nagawa kundi sumakay ulit sa sasakyan at lumisan upang maghanap ng matutuluyan. Sabi ng aking Ina na sa Olongapo nalang daw kami dahil mas mura ang mga matutuluyan doon kaya't kami ay tumungo papuntang Olongapo, ngunit lumipas ang 30 minuto ay may nakita kaming isang tarpaulin na may nakasulat na "All Hands Beach" at kami ay nagmadali patungo dito at nagbabakasakali na doon kami makakuha ng matutuluyan.
Pagkarating namin doon, kami ay pumasok at biglang may bumati samin na "Good afternoon po" at yun pala yung guwardiya at nagtanong kami sa front desk, doon kami nakahinga ng maluwag dahil naramdaman namin na baka dito kami tumuloy dahil ang mga tao doon ay mababait, sobrang maalaga, magagalang at palaging nakangiti kaya't nagustuhan namin na doon na tumuloy. Tinanong din namin ang presyo at ito ay sapat lang at hindi ganoon kamahal tulad sa mga nauna naming pinuntahan, kada isang tao ang presyo nila ay ₱1,150 ,may libreng umagahan, toothbrush, toothpaste, shampoo at sabon (ako ay nabilib dahil hindi tulad ng ibang hotels at resort ang pinapamigay nila ay yung toothbrush na isang gamitan, yung toothpaste na isang gamitan lang din, shampoo na kaunti ang laman at sabon na maliit habang yung sa All Hands Beach ay yung colgate na toothbrush at toothpaste, shampoo na dove at sabon na safe guard kaya ako ay natuwa kahit sa simpleng bagay na iyon), sa bahay kami tumuloy na may maaliwalas na itsura na may terrace na pwedeng pagkainan at may magandang view malapit sa dagat na talagang makakaramdam ka ng kapayapaan.
Mayroong isang queen sized bed at dalawang double deck, may mainit at malamig na tubig ang shower, na may malinis na kwarto, at may flat screen t.v .
Marami pang pasilidad na maaring gamitin doon katulad ng beach volleyball court at ng
basketball court na magagamit ng libre.
BASKETBALL COURT
VOLLEYBALL COURT
At kasama din ang cottage doon sa aming bayad, Kaya't doon na kami tumuloy at siyempre binaba na namin ang aming mga gamit sa sasakyan upang mailagay na sa kwarto,
Umpisahan na natin ang picture taking sa All Hands Beach, Subic, sa wakas " we found the paradise".
Pagkalagay namin ng aming mga gamit kami ay nagpahinga muna at kumain ng tanghalian bago maligo sa dagat.
"Maligo na tayo sa dagat" sabi ng aking kapatid na babae at kami ay nagpalit na ng panligo at nagpunta na sa dagat upang maligo. Pag apak ko sa buhangin habang naglalakad papuntang dagat, naisip ko na sobrang saya ng aking kaarawan, kasama ko ang mga mahal ko sa buhay, masaya kami, maganda pa ang lugar, may nakikita akong mga bundok sa malayo at nakikita ko yung tubig na sobrang linaw at linis kaya ako ay tumakbo papuntang pampang na parang nasa teleserye na tumatakbo ng dahan dahan . Pagkadating ko sa pampang, isa lang ang nasabi ko "WOW" at tinawag ko na sila dahil nauna nga ko sa bilis ng aking takbo.
Inumpisahan na namin ang aming paliligo na tila lahat kami ay nabighani sa lugar na iyon. siyempre ayokong kami lang ang matutuwa, dapat kayo din na bumabasa nito kaya heto ang aming mga litrato.
SUMUNOD NA ARAW
MAGANDANG UMAGA!
Umpisahan na natin ang pangalawang araw sa Subic pero bago yan kami muna ay kumain at pagkatapos nun kami ay nag kayak o Bangka ng 30 minuto sa halagang ₱150 kada tao at kami ay nagsaya, nagsagwan, nag-unahan at habang ako ay nagbabangka inaalala ko lahat ng aming ginawa at nagpasalamat sa panginoon sa aming biyaheng ito.
SANDALI LANG!
Hindi pa tapos, nag- jetski din kami sa halagang ₱2,200 sa loob ng 30 minuto, may kamahalan pero sobrang sulit nito dahil una, pangarap kong makasakay sa ganitong uri ng sasakyang pang tubig, pangalawa, apat kami na pwede mag palitan upang makaranas mag maneho nito.
Sobrang sarap sa pakiramdam ng aming ginawa na iyon, sobrang saya, sobrang nakaka bighani, at mas lalo akong napamahal sa Subic.
Ngunit kahit gaano pa kasaya ang karanasang ito mananatili nalang itong alaala dahil panahon na para kami ay lumisan at bumalik na sa totoong mundo, doon ko nasabi na mahal ko na talaga ang subic dahil sobrang nalungkot ako, ayoko man umalis sa paraisong iyon pero kailangan talaga. Parang pagmamahal lang iyan, kahit gaano mo pa kamahal ang isang tao, minsan darating sa puntong kailangan niyo na maghiwalay, na kailagan niyo nang magpaalam sa isa't isa, na kailangan mo na siyang pakawalan hindi dahil hindi mo siya mahal kundi dahil sobra mo siyang mahal kaya mo yun nagawa.
Kailangan man kitang lisanin, hinding hindi ka mawawala sa aking isipan, alaala mo'y laging sasagi sa aking isipan, hindi kita malilimutan, hintayin mo't ika'y aking babalikan.
Malungkot man kaming lahat sa pag-alis sa Subic, Nangingibabaw pa din ang saya na baon namin magpakailanman, palaging nasa puso namin ang Subic lalong lalo na sa puso ko.
napamahal ako sa Subic ng totoo, at sana'y ito din ay naramdaman niyo sa pagbasa ng aking kuwento at sana'y maranasan ninyo ito.
MAGLAKBAY NG MAGLAKBAY HANGGANG SA MARATING ANG TAGUMPAY!!!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento