Biyernes, Marso 4, 2016

Malaya Masaya Majulah Singapura! ni Kamila Grace J. Noveno

Sabi nila sawa na sila sa’yo, pero ako, gustong-gusto kitang balikan.
          

           Mainit. Tumatagaktak ang mga likidong lumabas sa aking katawan. Basa ang saplot na aking suot. At ako ay tapos nang maglinis ng mga maalikabok at nakakapanlumong mga blinds sa aming bahay na kulay berde. Sa pagod ko, ako ay napaupo nalamang ako sa malambot na  pulang upuan sa sala at nagbasa ng mga mensahe sa telepono ng aking butihing nanay. Bigla ko nalang nabasa na pinabili pala ng nanay ko ang kanyang kaibigan ng anim na tiket papuntang Singapore. Ang bansang tinitipunan ng iba’t-ibang bansa upang makipagkalakalan. Ang bansang mayroong tamang timpla ng tubig at lupa. At ang bansang hinulma ng halo-halong kultura ng buong mundo. Sabi sa mga alamat, nakuha ng basang ito ang kanyang pangalan kay Sang Nila Utama na Prinsipe ng Palembang (kapital ng Srivijaya sa Indonesia). Nangangaso ang prinsipe noong may makita siyang kakaibang hayop na hindi pa niya nakikita sa buong buhay niya. Dahil doon ay pinangalanan niya ang lugar na iyon ng “Singapura” na galing sa mga Sanskrit na salitang simha (leon) at  pura (siyudad). Ang medyo nakakatawa lang ay sabi sa mga siyentipikong pag-aaral, wala raw nabubuhay o naninirahang leon sa mga kagubatan ng Singapura at kung meron man ay yun ang mga nasa Singapore Zoo. Mabalik muna tayo sa kasaysayan ng Singapore, ang bansang ito ay dating sinakop ng hukbong Britton. Malaki ang nautulong ng mga Briton ng mga mangingisda. Tinulungan ni Ginoong Raffles ang Singapore upang maging lugar ng kalakalan ng iba’t-iabng bansa tulad ng Malaysia, China, at India. Dahil sa magandang relasyon ng mga bansang ito, silang apat ang nagging “Four Fore Fathers” ng bansang Singapore. Ngunit sinakop sila ng mga Hapon noong Pangalawang Pandaigdigang Digmaan at binomba ang ilang parte nito kaya nagsimula nanaman sila sa wala. Makalipas ang digmaan ay nagdesisyon silang humiwalay sa bansang Malaysia at mag tatag ng kanilang sariling gobyerno. Noong una ay walang-wala sila ngunit dahil sa matino at magandang pagpapalakad ng kanilang gobyerno ay tuluyang umunlad ang kanilang bansa. Ang isa pang dahilan na nakikita kong nagpaganda ng sistema ng Singapore ay ang disiplina ng mga mamayan nito dahil na rin siguro sa magandang pagpapatupad ng mga batas sa bansang iyon. Alam nyo ba na wala talagang iisang lahi ang mga taga-Singapore? Akala ko bago kami pumunta doon ay puro Intsik ang mga nandoon. Akala ko rin noon ay ang Singapore ay minsang nagging parte ng China katulad ng Taiwan. Ngunit ako pala ay nagkamali dahil tatlo pala talaga ang mga lahing tubong-Singapore at iyon ay ang mga Malay, Intsik, at Indiano. Ang kanilang pagsasalita ng Ingles ay may puntong katulad sa mga Briton o “British accent”. Ang mga iyan ay pasilip lamang sa kung ano ang meron sa bansang iyon kaya dyan lamang kayo at ikwekwento ko ang napakagandang karanasan ko sa bansang tinaguriang “The Lion City of Asia”.
 Ang pagpunta naming sa Singapore ay ang dapat na regalo sa akin ng aking magulang noong magtapos ako ng hayskul. Akala nila ay masosorpresa ako noong iniabot nila ang sobreng naglalaman ng kopya ng aming tiket pa-Singapore. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman na ALAM KO NA ANG LAHAT HAHAHAHA!!! Ang nangyari, nanay ko pa ang nagulat dahil alam ko nang pupunta kami ng Singapore kaya ikinuwento ko na ang aking panghihimasok sa telepono niya. Makaraan ang ilang araw, hindi ko talaga maramdaman ang init, ang siklab, at ang pagkasabik sa nalalapit naming paglalakbay. Iyon na rin pala ang kanilang regalo para sa aking kaarawan. Lumipas ang ilang buwan at wala parin akong nararamdamang liyab sa aking puso’t isipan at tila gusto ko nalang perahin ang kanilang regalo sa akin pero syempre hindi ko iyon ginawa dahil malulungkot sila kapag ginawa ko iyon. Bago kami maglakbay ng aking pamilya patungo ng SG ay nagkaroon muna kami ng mga paghahanda tulad ng pagbili ng mga damit, pag gawa ng listahan ng pupuntahang lugar, at kung kalian ito pupuntahan, pag tingin ng hotel na matutuluyan, at pagsusuri ng mga batas na mahigpit na ipinapatupad sa kanilang bansa. Grabe! Napakarami ng nabili naming damit ng aking ina at ama. Napakamot nalang sa ulo ang nanay ko noong nakita nya ang presyo ng aming mga pinamili. Ako rin ay nagdesisyong bumili ng sarili kong maleta upang sa gayo’y hiwalay na ang aking mga gamit sa gamit nila at para may magamit ako kapag kami ay nag lokal at internasyonal na pagbisita sa ibang lugar sa ikalawa at ikatlong taon ko sa kolehiyo. Ang pangalawang bagay na pinaghandaan ng aking ina ay kung saan kami titira doon. Mayroon siyang nakitang hotel sa Geylang Road. PERO, NGUNIT, DATAPWAT buti na lamang ay nabalaan siya ng kanyang kaibigan na huwag doon kumuha ng hotel dahil doon daw maraming babaeng mababa ang lipad at doon sa mga hotel sa Geylang sila nagpapalipas ng kailangang palipasin. TSKTSKTSK!!! Kaya nag bigay ng suhestyon ang aking tiya na doon nalang kami tumira sa bahay ng kanilang kaibigan. Noong una ay nagdadalawang isip pa kami dahil nakakahiya pero sa huli ay doon na rin kami tumira. Ang susunod na paghahanda ay ang sasaliksik ng iba’t ibang batas na mahigpit na ipinapatupad ng kanilang gobyerno.




            Eto na! Ito na ang araw na ako ay muling makakasakay sa eroplano! Bago pa man kami makarating ng paliparan ay sinabi ko na sa sarili ko na dapat ay maging mapagmatsag ako sa paliparan dahil doon ang aking magiging opisina sa hinaharap. Nagpapalit na ang aking mga magulang at ang aking mga tiyuhin ng pera (Peso to Singaporean Dollar). Sabi nng nanay ko, mas mahal daw kasi kapag sa Singapore mismo kami nagpapalit ng pera.
Naging matagal ang paghihintay naming sa eroplanong aming sasakyan buti na lamang ay mayroon akong  pelikula sa aking smart phone kaya hindi ako masyadong nabagot sa pag-iintay. Ang aming sinakyan na eroplano ay Cebu Pacific kaya hindi na ako masyadong umasa sa maganda at maasahang serbisyo habang kami ay nasa eroplano. Upang makatipid ay kumain na muna kami sa McDonald’s sa loob ng NAIA Terminal 3. Kahit busog na ako, tinanong ko parin ang aking ina kung may kalakip bang libreng pagkain ang tiket na binili nya at nalungkot ako noong sinabi nyang wala at tiisin ko nalang daw hanggang sa makaabot kami ng Singapore HUHUHU.
           
            Ayan na.
            Eto na.
            Nararamdaman ko na ulit ang pagkasabik at ang pagliliyab ng aking pagnanasang maglakbay sa ibang bansa. Hindi ito ang unang beses na lalabas ako ng Pilipinas kaya kahit papaano ay alam ko na ang mga kailangang gawin sa paliparan at ang tamang asal sa loob ng eroplano. Noong nakalapag na an gaming eroplano sa Changgi Airport ay namangha ako sa ganda at sa mga libreng serbisyo na ibinibigay nila sa mga turista at iba pang mga pasahero ng eroplano. Mayroong mga malalambot na leather couch na pwedeng pahabain pa upang tulugan ng mga pasaherong nag-iintay ng kanilang eroplano. May mga kompyuter din na may libreng akses sa napakabilis na internet. Marami ring naglilibot na guardya kaya mararamdaman mo na ikaw ay ligtas sa loob ng paliparan. Mababait din ang kanilang mga empleyado na sa aking paningin ay isang magandang paraan upang maramdaman ng mga turista na sila ay pinapahalagahan ng mga mamayan ng bansang pinuntahan. Sa laki ng paliparang iyon ay nakakalito na kung saan ba talaga ang daan palabras. Sa kabutihang palad ay naintindihan naming ang magulong ingles ng isang Indiano na nagturo sa amin kung saan dapat kami mag-abang ng taksi. Makalipas ang maraming minute ay wala paring dumadaan na type b na taksi o yung pwede ang anim na tao. Sa kanila kasi istrikto sa dami ng pasahero. Ang Type A ay pwede lamang mag sakay ng 4 na tao. Ang Type B ay 6 at ang Type C ay pang maramihan na. Nagtanong kami ng pinsan ko kung saan ba at kung meron pa bang Type B na taksi at hindi ko naintindihan kaya ang sabi ko nalang sa mga magulang ko ay doon nalamang kami mag-intay. Yun pala ay dapat magpapatawag ka ng type B na taksi dahil hindi sila pupunta doon kung walang tumatawag sa kanila. At iyon ang una kong natutunan sa pag punta naming sa SG. Medyo malayo sa pinaka siyudad ng Singapore an gaming tinirahan. Ito ay nasa Choa Chu Kang na kung baga ay isang probinsya dito sa Pilipinas. Paglabas mo palang sa paliparan ay  makikita mon a ang nagniningning na LED light display na nagsasabing “Majulah Singapura!” . Noong pumunta kasi kami sa SG ay malapit na ang kanilang ika-limampung selebrasyon ng kanilang pagiging malayang bansa. Ang isa ko pang napansin ay ang mga nagtataasang gusali na tila nasa isang compound lamang. Sa Singapore kasi, ang mga bahay ng mga karaniwang tao ay nasa mga gusali o parang mga apartment na parang condominium. Mayayaman lamang ang nakakapagpatayo ng sarili nilang bahay at nakakapagpundar ng sarili nilang sasakyan. Sa wakas, makalipas ang isa’t kalahating oras  ay nakarating na kami sa aming tutuluyang tahanan. Sobrang pagod na kaming lahat dahil alas tres na ng madaling araw kami nakarating sa Choa Chu Kang.  May kaliitan ang kanilang apartment pero sapat na ito para sa pamilyang mayroong limang miyembro. Mainit nila kaming sinalubong at nakahain na ang inihanda nilang pagkain para sa amin. Maliit lamang ang kwartong tinulugan naming pero hindi naming ramdam ang liit nito dahil maluwag kaming nakakatulog sa sari-sarili naming mga higaan. Ang mga kobre kama at kumot na ipinahiram nila sa amin ay napakalalambot at napakababango ganyun din naman ang mismong kutson sa double deck man o doon sa kutson sa may sahig. Malamig din sa loob ng kwarto at dahil sa taas ng double deck ako pumuwesto, mas ramdam ko ang lamig na nanggagaling sa aircon. Tila parang nasa hotel na rin kami dahil komportable kaming nakatulog at nakapagpahinga.




Ang mga limang larawan sa taas ay kinuhanan sa loob ng Changi Airport.
          
Tinirahan namin sa Singapore

               Maaga palang ay ginising na ako ng aking ina upang maligo dahil sa araw na iyon ay bibisitahin naming si Merlion sa may Marina Bay. Dahil iyong araw na yun ay Linggo, sinamahan kami ni Tita Che at ng kanyang anak na si Zach sa unang araw ng aming paglilibot. Napakaganda ng paraan ng transportasyon sa Singapore. Maayos at halos lahat ng lugar ay may istasyon ng tren kaya maglilipat-lipat ka lang ng linya ng tren upang makarating ka sa iyong pupuntahan. Ang mga bus ay may iba’t-ibang ruta at sa bawat intayan ng bus ay may nakapaskil na ruta ng iba’t-ibang bus na may iba-ibang numero. Mahigpit sa kanila at dapat sa tamang babaan ka lang pwedeng ibaba. Ang pagpasok sa jeep ay laging sa harap lamang dahil kailangan mong i-tap ang iyong card na may lamang perang pangpasahero. At kapag baba ka na, muli, i-tap ito sa gitnang labasan ng bus. Ang card na iyon ay parang beep card natin dito sa Pilipinas. Buti nalang ay pinahiram kami nila Tita Che ng card at rereloadan nalang ito sa istasyon ng tren.



ONE RAFFLES PLACE
            Sa One Raffles Place kami unang gumala. Karamihan ng mga gusali doon ay puro mga bangko o di kaya naman ay mga stock exchange na mga kompanya. Nakakamanha ang pagiging makabago ng mga istraktura ng mga gusali na panay salamin ang mga pader. Pagtawid mo galing ng One Raffles Place ay matatanaw ang Ilog Singapore. Ang kaibahan nito sa ibang ilog ay hindi ito mabaho, maroong mga upuan sa gilid at may mga istatwa ng iba’t-ibang uri ng Singaporeans. Nandoon din ang Fullerton Hotel na talagang pangmayaman. Mapuno at masarap sa pakiramdam ang simoy ng hangin doon kaya hindi ko iniinda ang tirik ng araw habang kami ay naglalakad-lakad. Magkakalapit lang ang mga pinuntahan naming lugar kaya nilakad nalang naming ang mga iyon kesa sumakay sa tren.









 MERLION PARK

            Ang pamosong parke sa buong Singapore, and Merlion Park. Sabi nga nila, hindi kumpleto ang pagbisita mo ng Singapore kung wala kang litrato kasama si Merlion na nagbubuga ng tubig sa kanyang bibig. Bukod kay Merlion ay mamangha ka rin sa tanawin na makikita mo. Sa tapat ng parke ay ang Marina Bay, Marina Bay Sands, Singapore Flyer, at ang isang gusali na may hubog ng bulaklak. Maraming kainan sa may ilalim ng tulay na malapit sa Merlion Park. Susyal pa ang mga kainan nay un dahil may mga lamesa at upuan pa para sa mga suki. Dinaanan din naming ang Esplanade na kung saan ginaganap ang mga produksyong pangteatro. Kakaiba ang pagkakagawa ng istrakturang ito dahil tila isang durian ang hugis pati na rin ang panlabas na pader nito. Sa kasawiang palad, mayroong mga parte ng Esplanade na gingagawa kaya hindi kami nakapasok sa loob.
           
            Kumalam na aming mga sikmura dahil halos kalahating araw na kaming naglalakad sa Raffle’s Town kaya naman napagdesisyunan na naming kumain sa isang restawran (Buffet). Sa food court ng mall na iyon ay sangkatutak ang mga pagkain. Samu’t-saring pagkain na galing sa iba’t-ibang tradisyon at lahi ang makikita sa mga kainan sa Singapore lalo na kapag ikaw ay nasa food court o buffet. Ang pag kain ng kanin at ulam ay ginagamitan ng chopsticks at kapag may sabaw naman ay pwede mo itong higupin mula sa tasa o di kaya naman ay gamitin ang espesyal na kutsara na tila parang para sa mga pagkain di na kayang kunin ng chopsticks. Nagulat ako sa ilan sa mga pagkain nila sa buffet na iyon dahil meron doong tila parang lugaw na mas pinakaunti ang malagkid na kanin. Pagkatapos kumain ay nag tungo kami sa estasyong  tren at pumunta naman kami kabilang dulo ng Merlion Park, at eto ang Marina Bay Sands at ang iba pang atraksyon.

MARINA BAY
            Maaaring iniisip nyo na kapag sinabing Marina Bay ay yung hotel lamang ang sinasabi ko. Mali. Marina Bay din ang pangalan ng pook na kung saan naroroon ang pamosong Gardens By The Bay na nagbibigay liwanag at kasiyahan sa kung sino may makanuod ng palabas nito.


 Nandyan din ang Cloud Forest at Flower Dome na magpapakita ng karikitan ng mga halamang matatagpuan sa kalikasan ng Singapore. Ang Marina Bay ang madalas puntahan ng mga turista dahil dikit-dikit lang ang mga atraksyon nito at ang iba ay libre pa katulad ng panunuod ng pagpapalit-palit ng ilaw na sumasabay sa indak ng tunog sa Gardens By The Bay. Kahit na maraming tao ang dumadayo sa mga atraksyon na nabanggit ay napapanatili parin nilang malinis ang kapaligiran nito at nasa tamang lugar ang mga basura ng mga tao. 



Para sa akin ay maganda rin ang paglalagay nila ng drinking fountain na may malamig na tubig upang bigyan pa ng sigla ang mga turistang dumadayo sa lugar na iyon. Ang isa pa palang karakteristic na kamangha-mangha sa Singapore ay ang lahat ng tubig na galing sa gripo nila ay “potable” o ligtas na inumin ng mga tao. Balik sa paksang pinag-uusapan, ang Cloud Forest at Flower Dome ay talagang magugustuhan ng lahat ng tao lalo na yung mahilig sa mga bulaklak o kahit ano pa mang halaman. Doon mo mapapagtanto ang kagandahan ng ating Inang Kalikasan at mapapatawa pa kayo sa ibang hugis ng ibang halaman.
 Sa pagkagat ng dilim ay dumiretso na kami sa Gardens By The Bay na kung saan may nagaganap na tila konsierto ng mga ilaw at tunog. Sumasabay ang pagpapalit ng kulay ng mga ilaw, ang mga tila puno na mga bagay, sa indak ng mga tug-tugan na katulad ng theme song sa Star Wars o sa Batman o sa Superman. Masasabi kong ang Gardens By The Bay ang pinaka paborito kong atraksyon sa Singapore. Napuno ng positibong pagtingin sa buhay at purong kaligayahan ang aking puso noong namangha ako sa pagtatanhal ng mga umiilaw na mga puno sa hardin ni Marina. Pagkatapos manuod ay kumain kami ng hapunan at pumunta naman sa Shoppes at Marina Bay Sands. Ito ang pinakamalaki at pinakamaranyang o pinakamaluhong mall sa bansang Singapore. Doon, sobrang sarap magshopping… window shopping HAHAHAHA!!! At doon nagtatapos ang unang araw naming sa Singapore. 










SENTOSA

            Dahil may pasok na si Tita Che, kaming anim nalang ang pumunta sa Sentosa upang bisitahin ang Universal Studios. Kabado ako noong papunta palang kami ng Sentosa dahil sa akin lang itinuro ang daan at baka maligaw kaming anim sa isang bansang di naming kabisado. Mabuti na lamang at konektado lahat ng tren at maayos ang pagkakalista ng mga ruta ng mga bus. Ang Sentosa ay hiwalay na maliit ng isla ng Singapore. Sa aking paningin, ang Sentosa ang pinaka ginamitan ng kanilang gobyerno ng Tourism Planning and Development. Hindi ka mauubusan ng pwedeng gawin doon dahil napakadaming atraksyon at mga pagdiriwang na magbibigay ng aliw sa mga matatanda, dalaga, binata, o bata man yan. Kaya rin dumadagsa ang mga tao doon ay dahil sa mga akomodasyong na talagang pampamilya ang sayang maidudulot. Maraming paraan upang makapunta sa Sentosa tulad ng pagsakay sa cable car, bus, tren, o van. Ang tren na papunta ng Sentosa ay gumagamit ng ibang tiket dahil hindi sila tumatanggap ng card na parang beep card. Napakamakulay at napakasigla ng pamumuhay sa Sentosa. Nasa tren ka palang, sasalubungin ka na ng malaking Welcome to Sentosa na may iba’t-ibang kulay at napakaraming paliguan na matatanaw kapag ikaw ay sumakay sa cable car. Limang atraksyon lamang ang pinuntahan naming sa Sentosa. Una ang Universal Studios. Di hamak na mas malaki ang Universal Studios sa Amerika kaysa sa Singapore. Pero kahit ganun, nasiyahan parin naman ako kahit papaano. Ang nakakasar lang sa Universal Studios, meron silang ibinebentang tiket na di na kailangang pumila at dahil doon mas tumatagal sa pila ang mga tanong walang ganoong card. Ang pangalawang pinuntahan naming ay ang malaking estatwa ng Merlion na kung saan pwede kang sumakay ng elebeytor at sa bibig niya ay may butas na kung saan matatanaw mo ang Singpore. May kamahalan ito kaya di na kami tumuloy sa loob ng leon na kalahating sirena. Ang pangatlo naming pinuntahan sa Sentosa pa rin, ay ang Wings of Time. Ang Wings of Time ay isang pagtatanhal ng istorya ng isang bata na hinahanap ang kanyang kaibigan at tinulungan siya ng ibon hanapin siya. Nakamamangha ang pag prepresenta nila ng storya dahil gumamit sila ng mga white screens na nasa hugis na tatsulok, projector, at tubig na galing sa dagat. Ang pang-apat naman ay ang Images of Singapore na kung saan mas maiiintindihan mo ang kultura at ang kasaysayan ng Singapore. Ikinuwento at iniarte pa ng magagaling na aktor at aktress ang mga pinagdaanang tagumpay at paghihirap ng kanilang basnsa bago makamit ang karanyaang natatamasa nila ngayon. Ang Images of Singapore ay dapat puntahan ng lahat ng turistang pupunta ng SG dahil     ano ang kabuluhan ng iyong pag punta sa ibang bansa kung hindi mo aaralin at iintindihin ang mga kultura, tradisyon, at kasaysayan nila? At ang panghuli ay ang Madame Tussaud’s na mayroong napakaraming wax figures ng iba’t-ibang impluwensyal na tao sa iba’t-ibang larangan. Sobrang astig lang talaga kapag nakapunta ka doon dahil pakiramdam mo na nakita mo na ang mga pabotrito momng aktor at aktress  sa Hollywood. Marami pang ibang pwedeng gawin sa Sentosa. Kung may oras pa at pera pa sana kami ay maaring dinamihan na namin ang mga pinuntahan naming atraksyon at mga aktibidades na aming ginawa. 























ORCHARD ROAD
            Syempre bago tayo umalis sa bagong lugar na pinuntahan natin ay dapat mamimili muna tayo ng mga pasalubong para sa ating mga kamag-anak. Ang Orchard Road sa Singapore ay kilala dahil sa napakaraming shopping malls sa kalyeng yan. Karamihan ay mamahaling mga alahas, pabago, damit, bag, sapatos at iba pa ang matatagpuan diyan. Pero kung gusto mo bumili ng mga mura pero maganda ang kalidad, dapat ay sa Lucky Plaza Mall ka bumili ng mga pangpasalubong mo. Kailangan mo lang talaga ng talento sa pag tawad sa mga tindera at makakarami ka na ng bili. Huwag kayong mag-alala dahil karamihan ng mga nagtitinda doon ay mga PILIPINO!! Medyo pakiramdaman mo lang kung Malay o Pilipino kasi magkamukha ang ating mga lahi. At ang masaya pa dyan ay nasa Lucky Plaza Mall din ang isa sa dalawang sangay ng Jollibee!! Kaya kapag medyo nahohome sick ka eh sa Lucky Plaza na ang takbo mo.


            Ang paglalakbay sa ibang pook, siyudad o bansa ay dapat na ginagawa natin upang tayo ay maging bukas at mas magkaroon ng kaalaman tungkol sa tradisyon, pamumuhay, kultura, at kanilang lipunan. Pwede rin naman na iyon an gating gawin upang tayo ay makapagmuni-muni tungkol sa mga bagay na gumagambala sa atin, makapagpahinga mula sa nakakalokang buhay sa Maynila, o di kaya naman ay upang mahanap mo yung bagay o tao o kahit anong hinahanap-hanap mo sa buong buhay mo. Kahit na simpleng paglalakbay lang ay okey na basta ba at naging masaya ka, nag-enjoy ka at may natutuhan kang mga leksyon sa buhay. Kaya ang paglalakbay namin sa Singapore ang isa sa mga hindi ko malilimutang paglalakbay sa aking buhay. Sabi nga ni San Agustin  “The world is a book and those who do not travel read only one page.”  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento