Miyerkules, Marso 2, 2016

How I became a Mermaid by Beatrice Alcantara



BABALA: Sa blog post na ito ay matutunghayan kung paano ako naging sirena sa El Nido, Palawan. I became a Mermaid. Walang halong biro.


Makalipas ang ilang araw ng aking pagtatapos ng sekondarya ay nakatanggap ako ng tawag sa aking tita. Maliwanag na maliwanag pa rin sa aking memorya ang kanyang mga winika, “Congratulations! Dahil grumaduate ka with honors, binook ka namin ng tickets papuntang Palawan, sama ka sa amin. May 6 na ýun, mag-ipon ka na.” Hindi mapinta ang aking ngiti nang narinig ko ang kanyang mga sinabi. Noon ko pa gustong pumunta sa Palawan, subalit hanggang Boracay lamang ang kaya ng pamilya ko. Dollars kasi ang katumbas ng lahat sa Palawan, kaya hindi na rin namin naisipan pumunta roon. Sa limang magkakasunod na taon ay puro na lamang Boracay ang aming pinupuntahan tuwing panahon ng tag-araw at bakasyon, pero noong summer na iyon, ay nalaman ko na kung bakit nga ba talaga binabalikbalikan ni Bill Gates ang Palawan, dahil ang ito ay isang PARAISO.



Day 1
Umaga ng May 6, 2015 ay maaga kaming gumising at kumain ng agahan. Kinagabihan pa lamang ay handang-handa na ang aking outfit na susuotin papaalis ng airport. Turistang-turista ang aking dating. Bulaklaking blusa na tulad kay Mayor Atienza, na binagayan ng shorts and sandals. Syempre hindi kumpleto ang nature outfit kapag walang bucket hat.  7am ng umaga ang flight namin papuntang Puerto Prinsesa, at para siguradong hindi kami maiwan ng eroplano ay naroon na kami tatlong oras bago pa ito lumipad. Napagkasya ko ang gamit kong pang-apat na araw sa Palawan sa iisang jansport na backpack lamang. Oo, napagkasya ko lahat at napakaraming outfits pa ang aking nadala. Hindi na namin chineck-in ang aking backpack kasi kaya ko naman itong bitbitin. Pasan-pasan ko ang aking backpack sa aking pagsakay sa eroplano, feel na feel ko ang itsura kong backpacker dahil sa laki ng aking bag. Hinanap ko ang aking silya, naupo at nagrelaks habang pinakikinggan ang instruksyon ng cabin crew. Hindi ito ang aking unang beses na sumakay sa isang eroplano kaya hindi naman ako kinabahan sa paglipad nito papataas ng runway. Noong stable na sa ere ang eroplano ay nilabas ko na ang aking iPad at nakinig sa music. Pasulyap-sulyap sa alapaap, akoý tahimik na kumakanta. Masarap sa feeling ang pagsakay sa eroplanong pinapakalma ka sa bawat pagaspas nito sa mga ulap. Eto ang parehas na pakiramdam na nararamdaman ko noon pa sa tuwing akoý sumasakay ng eroplano, this is where I belong, Tourism is where my soul belongs.


            Lumapag na ang eroplano sa palapagan ng Puerta Prinsesa Airport. Unang-una sa aming itinerary ang pumunta sa Puerto Prinsesa Underground River na isa sa mga kilalang 7 Wonders of Nature sa buong mundo. Sinalubong kami ng aming tour guide at sumakay sa isang Hi-Ace papaalis papuntang Underground River na 3-4 hours pa mula Puerto Prinsesa. Ang daang papuntang Underground River ay hindi ko ma-explain. Hindi ko kinaya ang bilis ng pagmamaneho ni manong driver sa taas-babang bundok na dinaraanan namin. In fairness, patag naman ang halos lahat ng daanan, maraming kurba, maraming matarik, marami din ang mga van o di kaya’y bus na papunta rin sa aming destinasyon. Ilang beses akong nakatulog sa van ng nakanganga. At finally, dumating na rin kami sa aming destinasyon.

            Hilo-hilo pa ng akoý bumaba ng van, unang beses kong mahilo sa isang roadtrip dahil extreme nga ang pagmamaneho ng driver. Tanghalian na ng dumating kami sa Sabang beach, at pumila na kami para sa bangkang lalayag papunta sa isla kung nasaan ang Underground River. Number 80 pa kami sa mga nakapila, ibig sabihin, hapon pa kami makakapunta sa loob ng kweba. At dahil gutom na, ay nag-buffet kami habang nilalasap ang mainam na hangin. O kay sarap kumain ng nakakamay at ang plato moý dahon ng saging. Ninamnam ko ang pusit na aking paborito, isdang sariwang-sariwa sa dagat, at prutas na kay tamis at kay bango. Busog ang aking tiyan, hindi na pang-summer body.

            Maaga pa ng natapos kami sa pagtatanghalian. Naglakad-lakad kami sa pampang kahit mainit. Napakaraming patay na jellyfish sa mga buhangin, makinang at malinis ang tubig, samut-saring mga kabibe at mga isda na maliliit ang mawawari. Gustong-gusto ko nang lumangoy noong mga oras na iyon sa sobrang ganda ng buhangin at linaw ng tubig, subalit sabi ng tita ko ay bukas na lamang kami lumangoy pagdating ng El Nido. Nakita ng tour guide na pawang naiinip na kami sa paghihintay. Napakatagal ng pagpila papuntang Underground River sa sobrang dami rin ng mga turistang dumadayo. Inalok kami ng tour guide kung gusto ba namin mag-zipline o di kayaý mag-mangrove boating adventure. Hiwalay ang activities sa tour package, kaya’t asahan na may kamahalan din to. Dahil napilit namin si tita na mag-zipline ay agad na kaming tumungo at naglakad ng malayo.  Daang-daang hakbang pataas ang inakyat namin bago kami nakarating sa tuktok ng bundok. Ang zipline sa Sabang Beach ay iba sa karaniwan, ang zipline ay mula sa isang bundok papalapag sa kabilang pampang ng dagat. Zipline from one island to another. Bongga. Kinabit na ang safety gears sa aming katawan at akoý napadasal nalang nang makita ko kung gaano kataas ang aking babagsakan. Sabay kami ng aking pinsan sa isang tulak na dumausdos sa kable ng zipline. Panay ang aking sigaw, pa-cute sa hawak na GoPro ng aking pinsan, at nakangiting inenjoy ang bawat segundo ng zipline sa ibabaw ng karagatan. Wala pa ang isang minuto ay nakababa na kami, isa lang ang masasabi ko. Sulit ang 1,000 pesos. Matapos ang activities ay bumalik na rin kami sa bangkang naghihintay papuntang Underground River, sa wakas.

Naging maalon ang dagat noong hapon na iyon, ilang saglit na lamang ay dumaong na kami sa pampang kung saan ang underground river ay matatagpuan. Kami na ang huling batch noong araw na iyon dahil mag-gagabi na rin. Sa pagsakay ng manipis na bangka ay pinasuot kami ng lifejackets. Ang nasa harap ng bangka ay ang maghahawak ng ilaw, ang bangkero naman ay pumosisyon sa likod. Papasok sa bibig ng kweba ay sinabihan kami na huwag titingala ng nakabukas ang bibig kung hindi kami uhaw. Likas na maraming paniki sa isang kweba, kapag ang tumulo raw sa iyo ay malamig, ito ay freshwater mula sa bundok, kapag ang naramdaman mo naman na tulo ay maligamgam, o mainit-init, naku, iba na ‘yun.


Sa aming pagpasok ay nabalot ng kadiliman ang aking mga mata. Kakaunti na lamang ang baterya na natira sa flashlight ng aming bangka kaya’t wala na rin akong masyadong nakita. Sa mga gilid-gilid ay samu’t-saring rock formations ang aking mga nasilayan. Naroon ang tinatawag nilang vegetable family, imahen ni Virgin Mary, Three Kings, Sirena at iba pa. Lahat ng mga korte ng bato ay kakaiba depende kung paano mo ito titignan. Nakakakilabot, palamig ng palamig ang simoy ng hangin sa patuloy naming pagbaybay sa ilog.  Nang marating namin ang dulo ay umikot na rin kami pabalik sa labasan ng kweba. Sa kabuuan, ay mababaybay ang buong accessible na parte ng ilog sa loob ng 30-50 minutes.

Hindi na kami nagtagal sa Puerto Prinsesa at nagtungo na rin kami papuntang El Nido kung saan kami unang nagpalipas ng gabi. Mula Puerto Prinsesa ay sumakay kami ng hi-ace muli para makarating ng El Nido. Kabuuang pitong oras o mahigit pa ang paglalakbay papuntang El Nido. Masakit sa likod ang naging byahe, nakailang hinto rin kami sa palikuran, at naging walang sawa ang pagngata sa baong-baong kasuy na mula sa mga street vendor ng Puerto Prinsesa. Ang hotel na aming pinuntahan ay may kalayuan sa bayan, kaya’t nadagdagan pa ang oras ng paglalakbay. Pagkarating sa hotel, ay agad na kaming nagpahinga para sa maagang paggising kinabukasan.

Day 2
                                    Maaga ang paggising sa El Nido, dahil umaga pa lamang ay kinakailangan nang lumayag papunta sa iba’t-ibang isla kung ayaw mong maabutan ng maraming tao. Nag-breakfast buffet kami at tumungo na sa bayan. Doon, ay kinita na namin ang tour guide, ang mga bangkero, at kapitan ng aming magiging bangka sa loob ng dalawang araw. Dalawang tour package ang kinuha namin. Bawat isang tour package ay binubuo ng 3-4 na tour sa mga isla. Sa kabuuan ay seven na isla ang aming pinuntahan. Nagsuot kami ng lifevests at agad na nagtungo sa unang isla. Ang unang isla ay ang Hidden Beach, ito ay isang isla kung saan kinakailangan mong sumuot sa maliit na butas ng bato sa may mababaw na parte ng dagat bago masilayan ang nakatagong beach sa loob ng isang tagong isla. Unang isla pa lamang ay manghang-mangha na ako sa aking mga nakita. Maputing buhangin na akala moý nag-glutathione, at malinaw na tubig, mas malinaw pa sa distilled water. Joke. Hindi rin kami nagtagal sa islang iyon at pumaroon na sa karatig isla nito. Ang pangalawang isla na aming pinuntahan ay dating pinagmamay-ari ng isang mayamang pamilya sa Palawan. Subalit, hindi na ito nakayanang suportahan kaya’t ang islaý pinakawalan na rin. Naiwan sa isla ay ang lumang batong gusali, at maliit na groto. Pagmamasid- masid lamang ang magagawa sa isla na iyon. Sa sobrang init ng araw ay ramdam ko ang aking pag-itim kahit na pa’y naka-rash guard ako. Gutom at nagmamantika ang mukha, ay dumaong muna sa isang gilid ng random na isla ang aming bangka para kumain ng tanghalian. Nagulat ako dahil nakalatag na ang aming tanghalian, hinanda pala ito ng mga bangkero, at habang kamiý nagiikot-ikot ay nagiihaw na pala sila ng isda, liempo at pusit. Ninamnam ko ang sariwang pagkain habang nakaupo sa puting buhangin. Good bye beach body na talaga. Matapos nun, pagatlo at huling pinuntahan namin ay ang Helicopter Island. Isa itong isla malapit lang sa bayan, na talagang hugis helicopter kung itoý tititigan mo. Libre ang pag-snorkel sa lahat ng isla, kailangan lang ng snorkeling equipment at your good to go. Feeling ko akoý si Ariel, na lumalangoy-langoy sa gilid ng pampang. Napakaraming isda! Noon ko pa gusto makakita ng maraming isda sa natural nilang tahanan, pero ang pinakapangarap ko talaga ay makakita ng Nemo o Clownfish sa wild. At doon sa islang iyon, ay natupad ito. Sa aking mga paa, ay isang sea anemone, ang kilalang bahay ni Nemo. Isang pamilya ng Nemo ang aking nakita. Sobrang saya ko lang na makita sila sa wild, at hindi lamang sa tanke ng mga aquarium. Masayang lumalangoy ang mga isda sa dagat, parang ako, na nag-fefeeling mermaid sa pagsnorkeling. Kakalikot ko sa pagiging mermaid ay nakatuhod ako ng isang matalim na coral reef. Ayun, sugat ang tuhod. Peklat. Mahapdi ang aking tuhod habang nabasa ito ng tubig alat, pero mas masama ang loob ko dahil nakasira ako ng tahanan ng mga isda. Sorry fishy friends, di ko sinasadya. Pabalik sa pampang ng bayan ay nakakita ako ng hindi inaasahan. Isang agila ang nakita ko sa dagat na gumagawa ng isang makapigil-hiningang dive sa dagat. Hindi ko alam ang tawag sa phenomenon na ginagawa ng agila, pero isa lang ang masasabi ko, magical. Thank God for nature. Thank God for Palawan.


                       Kinagabihan ay naghapunan kami sa gilid ng dagat. Malamig ang simoy ng hangin. Napakaraming foreigner. Para bang mas marami pa ang mga foreigner kaysa sa mga Pilipino na nandun. Kinagabihan ay inihaw na naman ang aming ulam pero hindi ako nagrereklamo dahil dun ko natikman ang tunay na inihaw. Hindi ako OA, pero perpekto ang lasa at kasariwaan ng mga isda at pusit sa Palawan. Sobrang too die for lahat ng pagkain. Promise. Katulad sa Boracay ay umuusbong na rin ang night life sa Palawan. Mayroon na rin ang mga bar na may nagtatanghal ng mga singers o di kayaý dancers. Marami din ang bar, pero asahan nang mahal lahat ng binebenta sa bayan. At syempre, hindi mawawala sa pagbabakasyon sa beach ang pagmumuni-muni sa pampang tuwing gabi. Ang paghampas ng simoy ng hangin, ay parang paghampas ng mga ala-ala ng mga noong mahahalagang nangyari sa iyo. Sa aking paglalakad, ay marami akong narealise. Magkokolehiyo na nga pala ako sa pasukan. Mag-iiba na lahat. Oras na para magseryoso sa buhay. Naks, seryoso si girl.

Day 3
                           Pangtlong araw sa El Nido. Parang ambilis ng araw. Ayoko pa umalis ng Palawan. Nagising ako sa tunog ng mga ibon at tuko. Maingay sila. Tulad ng unang araw ay nagging ganun din ang routine namin. Maraming sunscreen ang pinahid ko ng araw na yun dahil sabi sa news ay kalapnos-lapnos ang init sa buong araw. Ayoko naman magka-sunburn diba. Tumungo na kami sa bayan at sumakay sa parehong bangka na aming sinakyan noong unang araw ng tour. Kalmado ang dagat noong umaga kaya’t nakapagpalitrato pa ako sa dulo ng bangka. IG worthy bawat shot, hindi na kinakailangan ng filter. Ang unang islang pinuntahan namin ng araw na yun ay ang Secret Lagoon. Binigyan kami ng dalawang opsyon, mapagod lumangoy ng libre o mag-kayak pero magbabayad ng 300 pesos. Syempre, para sa experience ay nagkayak kami. Masakit sa braso ang bawat pagsagwan, nakakapagod at nakakakaba dahil minsan napapasobra kami at humahampas sa mga pader ng lagoon o di kayaý nakakabangga ng kapwa nagka-kayak. Ilang oras din kaming paikot-ikot sa lagoon, maraming nagseselfie at nagsnosnorkeling. Nang kami ay mapagod ay nagtungo na kami sa bangka para magpahinga. Ang pangalawang isla ay hindi kinakailangang bumaba ng bangka, sigh-seeing lang din. Ang Big Lagoon ay isang malaking parte ng tubig na napapaibot ng bahaging lupa. Magandang magpalitrato sa Big Lagood, kapag naghahanap ng perfect na pang-profile picture sa Facebook, doon masarap magphotoshoot. Hahaha. Vain. Nagtanghalian kami muli sa kung saang gilid ng isang isla. Parehong inihaw muli na may enselada. Busog na naman ako, buti nalang hindi ako nagtwo-two piece, baka akalain nila balyena ako sa dagat. Matapos kumain ay nagtungo na kami sa huling isla ng aming tour, ang Ten Commandos. Isa itong pribadong isla na pinagmamay-ari ng banyagang may asawang Pilipina kung saan doon ay nagtayo sila ng hotel na presyong pang-hollywood syempre. Ang Ten Commandos island ay ang isla kung saan masarap magmeryenda ng halo-halo o di kaya uminom ng fresh buko juice. Marami ang nagvovolleyball at nagduduyan sa puno ng niyog. At ako naman, sinulit ko ang huling mga saglit ng huling islang pupuntahan namin. Swimming dito, swimming diyan. Napansin ko nalang, hindi na pala ako kayumanggi, hindi rin medyo maitim, pero sobrang itim. Negra kung negra. Pero okay lang, kung ganun naman kaganda ang beach, why not diba?
                        
                       

             Pagbalik sa bayan ay nagmeryenda kami sa El Nido Art Café. Hindi daw buo ang pagpunta sa El Nido kung hindi ka makakain sa El Nido Art Café at hindi masubukan ang espesyal nilang pizza. Masarap din ang kanilang mga pasta, lalo na ang kanilang Spaghetti. Pinagmamay-ari ng El Nido Art Café ng isang banyaga na isa lamang noong backpacker ilang taon lamang ang nakakalipas kung saan kakaunti pa lamang ang nakakatuklas sa ganda ng El Nido at ang lahat ng daan ay hindi pa sementado. Sa isla ng El Nido ay natagpuan niya ang kanyang soulmate at doon na nagpasya manirahan. Hindi man sila biniyayaan ng supling ay kasama naman niya ang kanyang pinakamamahal na aso na isang Golden Retriever. Simple lamang ang may-ari ng coffee shop, sumasalamin sa simpleng paninirahan sa El Nido, na unti-unting nagbabago na rin sa paglipas ng panahon.
            Kinagabihan ay pumunta kami muli sa bayan para maghapunan. Sa pagkakataong ito ay iba’t-ibang luto naman ng seafood ang hinain sa amin. Lahat masarap, iba sa karaniwang restawran sa Maynila. Pagkatapos kumain ay naisipan namin mag-dessert kaya umorder kami ng Crepe stuffed with Bananas and Nutella at kinain ito habang naglalakad sa gilid ng dagat. Malamig ang gabing iyon, napakaraming bitwin, at poging foreigner. Good Lord, what did I do to deserve all of these? Sa huling mga sandal ay nahiga ako sa buhangin at pinikit ang mga mata. Tapos tinabunan na nila ako ng buhangin. Tapos nilagyan ng lapida. Joke. Hahaha! Syempre andun lang ako contemplating my life. Evaluating myself as a human being; Am I in the right path of life? I hope I am.
           
Day 4 (Huling Araw sa El Nido, Palawan)

            Hapon pa ang flight namin pauwi ng Maynila via Puerto Prinsesa. Kinaumagahan ay inayos ko na ang aking mga gamit at lumabas para mag-breakfast buffet. Dahil huling araw na sa El Nido, ay kaliwa’t kanan na ang pagpapalitrato. Gamit ang Instax ng aking pinsan ay kinuhaan niya ako ng litrato na ang background ay ang nakakabighaning dagat ng El Nido. Nagpalipas na kami ng oras sa hotel at inintay ang sundo papuntang airport. Mula El Nido ay nag-van kami muli ng pitong oras papuntang Puerto Prinsesa. Ansakit na ng likod ko. Patibayan pala ng likod ang pagpunta sa Palawan. Nakanganga at pagod ay natulog ako sa van. Paggising ko ay nasa Puerto Prinsesa na kami. May natira pang oras para mamili ng pasalubong. Namili kami sa isang malaking tindahan kung saan ang mga pasalubong ay mura kumpara sa ibang tindahan. Kung ano na lamang ang aking makita ay aking dinampot, bracelet, keychain, kwintas, t-shirt, kasuy, danggit, at iba pa. Pagkatapos mamili para sa papasalubungan ay naghintay na kami ng eroplano sa airport. Brownout sa airport noong araw na iyon, generator na lamang ang nagpapagana sa mga kompyuter at makina. Mainit kaya’t panay ang aking pagpaypay. Noong dumating na ang aming eroplano ay nalungkot ako bigla. Napakabilis ng naging oras namin sa El Nido at Puerto Prinsesa, para bang ayaw mo nang bumalik sa Maynila. Naisip ko rin na matagal pa bago ako makabalik doon. Nakakalungkot talaga. Patanaw-tanaw akong sumusulyap sa bintana ng eroplano. Paalam Palawan, hindi ito ang huli. 


Sabi nga sa OTWOL, Kapag mahal mo babalikan mo. Apat na araw pa lamang ay na-fall na ako. Apat na araw lamang ang kinakailangan para matuklasan ang tunay na pag-ibig. Apat na araw lamang ay nahulog na ako ako sa Palawan. Siguro bilang isang mag-aaral ng Turismo, ay likas na ang magmahal. Magmahal ng hindi lamang tao, kundi magmahal ng isang lugar dahil ang bawat parte nito ay espesyal sa iyong paningin. Ang mga tao, kultura at ang kabuuang kagandahan ng isang lugar na tulad ng Palawan, ay talagang napakahirap kalimutan. Salamat, Palawan 2015 dahil sa iyo nalaman ko na ako nga talaga ay para sa Turismo. Hayaan mo at babalikan kita. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento