Huwebes, Marso 3, 2016

Pagtakas sa Katotohanan sa Hilagang Kanluran by Michelley Mara

Ilocos
Pagtakas sa Katotohanan sa Hilagang Kanluran

                  Ang Rehiyon ng Ilocos ay isang rehiyon sa Pilipinas. Ito ay nasa hilagang-kanluran ng Luzon, at nasa gilid ng silangang bahagi ng rehiyon ng Cordillera Administrative Region at ng Cagayan Valley, at sa timog na bahagi ng Central Luzon. Ito ay binubuo ng apat na probinsya, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.


Budget Local Tours
Rate: 10/10
                   Naranasan namin ang napakagandang Ilocos dahil sa Budget Local Tours Agency. Natutunan namin ang agency na ito dahil sa mga kamag-anak namin. Nirekomenda ito sa amin dahil naging masaya daw ang kanilang paglalakabay sa Ilocos dahil sa agency na ito.
                        Sa halagang 2,999, makakalibot ka na sa Ilocos ng tatlong araw. Oh diba! Kayang kaya ng bulsa!
               May nakalaan nang mga gawain at sagot na rin nila ang sasakyan na napakakumportable.
 (Kitang kita naman sa litrato ang himbing ng aming mga tulog, hindi ba?)

                     Sila na ang mag-aayos ng lahat. Ang gagawin mo lang ay mag-relax at mag-enjoy!

              Hindi lamang Ilocos ang kanilang inaalok na pasyalan, marami pang ibang lugar na puwedeng pagpilian, katulad na lamang ng Sagada at Baguio.


LAOAG RENZO HOTEL
Rate: 10/10      
                                Noong pumunta kami sa Ilocos, ang inayos ng agency sa amin na hotel ay ang Laoag Renzo Hotel. Noong nakita ko ito, akala ko ito ay isang hotel na pipitsugin lamang ngunit noong pumasok na kami, ang mga mata ko ay naging kasing bilog ng bola. Napakaganda at maaliwalas ng kanilang lobby. May mababait din na concierge na babati at kitang kita sa kanilang mukha na gusto nila kaming tulungan para maging maganda ang aming pananatili sa kanilang hotel. 
                                Pagdating naman sa kwarto, wala rin naman akong masabi dahil sa ganda nito, tama ang laki ng kwarto para sa nasabing kapasidad ng tao, may aircon, tv, magandang kubeta, merong dining table, at may balcony pa na may tanawin sa malaking Laoag. Talaga namang masarap matulog dito pagkatapos ng isang nakakapagod ngunit masayang paglilibot sa Ilocos.      
                                Kasama sa inyong panunuluyan sa hotel na ito ang libreng eat-all-you-can breakfast. Ito lang ang masasabi ko, SOBRANG SARAP!
                                Ito rin ay malapit sa mga kainan, bar, mga convenient store, bangko, at plaza, kaya kung gusto mong sulitin ang iyong gabi, puwede ka ring maglibot libot dito.

                                Ito ay aking lubos na nirerekomenda na inyong maging tuluyan kapag kayo ay dumayo sa Ilocos.

Mga Hindi Dapat Palampasin na Lugar Pasyalan sa Ilocos
Kapurpurawan Rock Formation
Rate: 7/10
                Noong pumunta kami dito ay pagabi na at ayaw naming abutin ng dilim kaya hanggang sa malayuan ko lamang nakita ang mga naglalakihang puting bato. Kaya ayaw naming magpagabi, para makapunta doon ay may dadaanan na madilim na tulayan na napapalibutan ng mga halaman, at walang ilaw dito. Natakot kami na baka mamaya ay hindi namin alam na may ahas na kaming makakasalubong. Medyo mahaba din ang lalakaran dito at may pagkalubaklubak ito kaya delikado itong lakarin ng madilim.
                Nagtanong na lamang ako sa ilang mga nakapunta na rito kung ano ba ang matatagpuan dito. Nalaman ko na maganda ang mga rock formation dito at magandang kumuha ng mga litrato lalo na kung ikaw ay may hilig sa photography.

Cape Bojeador Lighthouse
Rate: 8/10
                 Napakaganda ng tanawin sa lugar na ito. May asul na likido na bumubungad sayo at malakas na hangin na humahalik sa mga psingi mo. May kasama ding “adventure-feels” ang pag-akyat dito kaya masaya itong gawin na may kasamang pamilya o kaibigan. Pag naakyat mo na ang lighthouse, mas magiging maganda ang tanawin mo at mas lalakas ang hangin na humahampas sa mukha mo. Maging maingat lamang dahil may posibilidad na ikaw ay mahulog kung hindi ka magiging maingat sa mga galaw mo.
                Sa muling pagbaba mo, may mga bilihan ng pasalubong dito katulad ng mga damit, ref-magnet, miniature na lighthouse at windmills, at mga pagkain na doon mo lamang matitikman.


Ferdinand Marcos Presidential Center
Rate: 8/10 
                Bilang isang taga hanga ng dating Pangulong Marcos, ikinatuwa ko ang pagpunta rito. Ito ay isa sa mga hindi mo dapat palampasin kapag pupunta ka ng Ilocos. Ito ay isa sa mga trademark ng Ilocos dahil hindi naman lahat ng lugar ay may nakahimlay na embalsamadong katawan ng pinakamatalino na dating pangulo ng Pilipinas.
                Pakiramdam ko, kada hakbang ko ay hakbang din ng dating pangulo. Naramdaman ko ang presensya niya sa museo na ito. Maganda itong puntahan dahil hindi ito isang museo na nakakainip. Maraming litrato at artipakto, sa pagkakaalala ko pa nga ay may musika pa ang ilang parte sa museo upang mas maramdaman ang mga nilalaman nito.
                Ang highlight ng lugar ay ang mosoliem sa likod ng museo. Ilang beses kong pinasok ito upang ilang beses makaikot sa loob at makita si Ferdinand Marcos. Ang pagkuha ng litrato ay mahigpit na pinagbabawal dito, kaya sinulit ko na lamang ang pagtitig sa kanya at kumuha ng litrato gamit ang aking mga mata.

Marcos Mansion/ Malacanang of the North
Rate: 8/10
                    Maraming tao noon sa Mansion noong pumunta kami rito. Ito ay isa sa mga patunay na marami pa rin ang interesado sa nakaraan ng dating pangulo. Kung iba-base sa panahon dati, maganda ang mansion ng mga Marcos. Malawak ito at mayroong dalawang palapag. Meron din itong kamangha-manghang tanawin. Hindi kami napigil ng mataas na sikat ng araw para magpalitrato sa maganda nitong labasan. Mararamdaman mo din ang makalumang panahon dahil sa disenyo ng bahay. Mae-enjoy ito ng mga taong may pagmamahal sa mga makalumang bagay.
                Katulad ng Marcos Museum and Mausoleum, ito rin ay hindi dapat palampasin kapag pupunta sa Ilocos.

Patapat Viaduct
Rate: 9/10

                Isa na namang napakagandang tanawin sa Ilocos na hindi dapat palampasin ng sinoman. Simula noong nalaman ko ang lugar na ito, talaga namang pinangarap ko na makapunta dito. Ang asul na kulay na parang walang hangganan at mangilan-ilan na bundok ay nagmistulang isang kalangitan para sa isang katulad ko na may pagmamahal sa magagandang tanawin ng kalikasan. Mataas ang sikat ng araw ngunit hindi namin pinalampas na magpakuha ng litrato rito. Ito rin ay siguradong magugustuhan ng mga taong may pagmamahal sa photography dahil wala na masyadong kailangan na effort dahil maganda na siya “naturally”.
                Ito ay nirerekomenda ko na puntahan lalo na sa mga taong gustong magpalit ng kanilang profile picture sa facebook.

Bangui Wind Farm
Rate 10/10
                Ang Bangui Wind Farm ay aking nirerekomenda na puntahan sa Ilocos dahil isa ito sa mga trademark ng Ilocos. Muli, hindi naman lahat ng lugar dito sa Pilipinas ay may wind farm. Para kang nasa Denmark sa lugar na ito dahil sa naglalakihang wind turbine. Magandang pumunta dito dahil pinanatili nila ang pagka-“natural” nito. Wala masyadong advance na bagay, maliban na lamang sa mga wind turbines. Matatanaw mo din ang West Philippine Sea dito. Magandang kumuha ng litrato dito dahil isa ito sa mga dapat hindi mawala sa iyong memorya. Nirerekomenda ko na kumuha ng jump shot sa lugar na ito, at mga panorama shots.


              Marami din ditong bilihan ng pasalubong, at mas mura bumili dito kaysa sa ibang lugar at may mga deals pa sa ibang bagay.


Vigan
Rate: 7/10
                Ito nga ay isang makasaysayang lugar dahil sa mga nananatiling Kastilang arkitektura ngunit ako ay nabigo pagdating namin dito. May malaki akong ekspektasyon sa Vigan dahil sa mga litrato na nakikita ko sa internet. Mas mainam siguro kung mga bandang hapon na ang pagpunta dito, yung tipong palubog na ang araw para mas masayang maglibot sa lahat ng kalye. At sa tingin ko, mas maganda ang Vigan kapag gabi dahil mas lumalabas ang “Kastila-feels” sa mga ilaw na naglalabas ng kulay ng makalumang panahon.
                Maliban pa sa mga makalumang istraktura ng mga bahay, nagkalat din dito ang mga bilihan ng pasalubong at antique shop. Puwede ring subukan ang kalesa kung hindi ka masyadong mahilig sa mga “walktrip”.
La Paz Sand Dunes
Rate 10/10
                Ito ay isang aktibidad na perpekto para sa magbabarkada. May kamahalan ito, ang regular na presyo para sa 4x4 at sand boarding ay P2,500 para sa 3-4 na tao, ngunit sulit naman ang bayad dahil siguradong magiging masaya ang lahat.
                Magandang pumunta dito sa mga oras na bandang 5am-6am (sunrise) o 5pm-6pm (sunset) para hindi kayo mamatay sa tindi ng sikat ng araw at masulit ninyo ang aktibidad na inyong binayaran.
(mga litrato na kinuhanan sa tabing dagat)

Hannah’s Resort
Rate: 10/10
                Ang Hannah’s Resort ang gusto kong tawagin na “Highlight of our Ilocos tour”. Itong lugar na ito ang nagparamdam sa akin ng totoong “escaping reality”. Puti ang buhangin dito kaya may tumatawag din dito na “Boracay of the North”. Kahit mataas ang sikat ng araw, hindi ko naramdaman ang init at sunog sa aking balat. Malinis ang tubig at napakaganda ng tanawin. Makalipas ang maraming taon, doon lang ulit ako nagtagal sa dagat at lumangoy pa palayo sa dalampasigan na dati ay kinakatakot ko pa. Wala akong pakialam noon kung umitim man ang aking kulay dahil hindi ko talaga matis ang dagat noon. Ako ay parang tinatawag ng tubig at niyayaya na makipaglaro sa kanyang mga alon.
                Walang bayad kung ikaw ay maliligo lamang sa dagat, ang mga cottage, resort rooms at entrance fee sa resort mismo lamang ang may mga bayad. Ayon ang ikinaganda non dahil libre mong mararanasan ang alat ng dagat.
                Maganda din ang mga swimming pool sa mismong resort. May mang-ilan-ilan din silang pool at may espesyal na feature kada isa. Medyo mahirap nga lang akyatin kung ikaw ay maglalakad pero meron din naman silang puwedeng rentahan na mga atv kung ayaw mong mapagod sa pag-akyat.
                Ang pagkain dito ay puwedeng ipaluto sa mga may bahay. Mamamalengke ka lamang sa malapit sa kanila at sila na din ang magluluto… sobrang sarap nilang magluto!
                Kung gusto mo ng kakaibang paraan upang makarating sa Hannah’s Resort, meron ditong ekstrim na aktibidad na siguradong magugustuhan ng mga “dare devil”, ito ay ang zipline. Ito ay hindi isang ordinaryong zipline, ito ay ang Asia’s Longest Zipline. May kamahalan ito (P900/tao), ngunit sulit naman ito dahil sa excitement at thrill na madadala nito sayo at ang sobrang gandang tanawin na dadaanan mo.
( mga litrato na kinuhanan sa taas at loob mismo ng resort )

                Itong lugar na ito ay lubos na inirerekomenda ko sa lahat na dapat puntahan. Maganda at sulit ang lahat ng bagay dito at siguradong mag-e-enjoy ang lahat!


Mga Sikat na Pagkain sa Rehiyon ng Ilocos
Nandyan ang Dragon Fruit Ice cream, na matatagpuan sa Ferdinand Marcos Presidential Center, Pizza Bagnet na puwedeng matagpuan sa isang kainan sa Vigan ( Comida de Bistro ) at nagkalat na bentahan ng mga longganisa, bagnet, at empanada.




          Ang Rehiyon ng Ilocos ay isang kilalang rehiyon na sa Pilipinas, ngunit hindi naman lahat ay nakapunta na dito. Sana naipakilala ko ang Ilocos sa inyo ng mabuti at sana nailibot kayo ng aking blog sa mga magagandang lugar sa Ilocos. Sana ay nagising ko ang inyong kaluluwang panglakbay para puntahan ang kamangha-manghang lugar na ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento