Huwebes, Marso 3, 2016

The Longest Ride: San Narciso, Quezon by Rosle Macalincag, Jr

Minsan, sa buhay natin, hindi maiiwasan yung pagtatanong ng ‘malapit na ba?’ o kaya naman ‘gaano pa ba ako katagal maghihintay?’ Hindi rin natin maiiwasan na mapagod kahit nakaupo at wala naman tayong ginagawa. Paghihintay. Isa itong salita na napakadaling bigkasin ngunit napakahirap gawin.
Payapa. Tahimik. Payak. Ilan lamang ito sa mga salitang hindi maaaring gamitin sa paglalarawan sa isang magulo at mapolusyong lugar tulad ng Maynila ngunit perpektong makapaglalarawan sa malayong San Narciso, Quezon province. Ang Quezon province ay matatagpuan sa timog kanluran ng Luzon. Ito ay bahagi ng Region IV-A o mas kilalang CALABARZON.

Mula sa paanan ng bundok Makiling sa Los Baños, Laguna, sumakay kami ng isang jeep. Oo, isang jeep. Walang aircon at may matigas na mga upuan. Naghahanda na ang lahat, inaayos na ang mga dadalhin para sa isang napakahabang byahe habang ako ay nakaupo sa ilalim ng puno ng niyog at nagmumuni muni. Hindi ko talagang gusto sumama sa pagpunta sa Quezon dahil sa dalawang dahilan. Una, sinabi na mahigit walong oras ang magiging byahe. Ikalawa, hindi ako matatag sa mga malayuang byahe. Madali akong nakakaramdam ng hilo at pagod. Going back, pagkatapos maisakay sa jeep ang lahat ng gamit, sumakay na rin kami at nagsimula na ang mahabang byahe. Pagkalipas ng tatlong oras, nagstop over kami sa isang malaking bus station, Lucena Grand Central Terminal. Dito sa terminal na ‘to makikita ang halos lahat ng byahe patungo sa iba’t ibang parte ng Quezon province, Laguna, at Maynila. Maya-maya pa’y umandar na ulit kami. Makalipas ang dalawang oras, huminto kami sa gilid ng daan at kumain ng panghalian sa tabing-dagat. Buong pag-aakala ko na malapit na kami dahil abot-kamay ko na ang tubig dagat nang biglang sabihin sakin ng kasama namin na nakakakalahati na kami sa aming byahe. Pagtapos ng isang masayang pananghalian ay muli na kaming nagbyahe at ako ay nakatulog. Lumipas ang ilang oras at nagising ako dahil sa malalim na lubak na nadaanan ng aming sasakyan. Hindi na patag at sementado ang aming dinadaanan. Ito ay daan sa gilid ng bundok. Tunay na makapigil hininga ang tanawin ngunit isa rin itong napakadelikadong daan dahil isang sasakyan lamang ang kakasya sa daan at bangin na ang gilid. Pagkatapos ng dalawang oras ng pagtahak sa malubak at delikadong daan ay narrating na namin ang Brgy. Punta, San Narciso, Quezon Province.  Sumatutal, sampung oras lang naman ang aming naging paglalakbay gamit ang isang napakatatag na jeep.


Pagbaba ng sasakyan ay agad mong matatanaw ang napakalinaw na tubig ng San, Narciso. Ang lugar na ito ay hindi pa ito dinarayo ng mga turista dahil una, hindi ito madaling puntahan at ikalawa, wala pang hotel at restawran na maaaring tirhan at kainan ng mga dadayo dito. Nang maiayos na namin ang aming gamit sa bahay ng aming titirhan, napansin ko na mula sa aming pagdating ay wala akong natatanggap na tawag o mensahe. Walang signal ang aking telepono. Saka ko lang napagtanto na baka nga pahiwatig ito na kailangan ko muna lumayo sa buhay na nakaasanayan ko at bumalik sa kalikasan. Maya-maya pa ay hinainan na kami ng hapunan. Payak ngunit napakasarap ng mga lamang dagat na niluto sa suka at gata. Pagkatapos kumain ay lumabas ako at napansing lumalapit ang tubig sa bahay. Normal na tagpuin daw ito sa gabi dahil high tide. Habang tahimik ang lahat ay maririnig mo ang pagbulong ng tubig dagat na para bang inaakit ka sa mga hampas nito sa buhangin. Kinaumagahan, isang napakagandang bukang-liwayway ang aking nasaksihan. Parang ibang araw ang sumisikat doon kung ikukumpara sa sumisikat sa Maynila. Pagtapos kumain ay agad na akong nagpunta sa tubig at ilang sandali lamang ay mga dumikit sakin na nagdulot ng sobrang kati, isang jellfyfish.

Siya ang salarin pero dahil napakaaganda at napakalinaw ng tubig ay hinayaan ko lang ang pangangati ko. Mahaba na aking nilalakad palayo ngunit napansin kong hindi ako napupunta sa malalalim. Dito ko napatunayan  na hindi pa nga developed ang lugar na ito dahil ang aking inaapakan ay mga matitibay ng corals at hindi buhangin. Magaganda at makulay ang mga corals dito kahit na nasa mababaw na parte lamang siya ng tubig. May mga maliliit na isdang naninirahan dito. Actually, sinubukan ko manghuli ng isda ngunit sobrang mailap sila. Nakakahiya yung dala ko, isang maliit na kaldero.

Dumating ang tanghalian, inimbitahan kami sa isang salu-salo sa barangay hall. Ito raw ay ipinahanda dahil nabalitaan ang aming pagdating kahapon. Dito ko nakita ang tunay na ugali ng mga Pilipino, tunay ngang sobra tayong magpahalaga sa mga bisita. Hinainan nila kami ng iba’t ibang uri ng lamang-dagat at isda na ang iba ay doon ko pa lamang nakita. Iyon daw ang mga napili nilang lutuin dahil hindi iyon matatagpuan sa mga siyudad.  Pagkatapos ng isang masayang kainan ay nilibot kami ng mga lokal sa Brgy. Punta. Tunay ngang nakakamangha ang tanawin dahil alam mong hindi pa ito nagagalaw ninuman at ito ay protektado at inaalagaan. Sa puntong nakatayo ako sa dulo ng bangin ay nasabi ko sa sarili ko na ayoko na bumalik sa Maynila at gusto ko nang manirahan sa payak na San, Narciso. Doon, hindi mo kailangan maging mayaman para maging masaya. Ang mga tao doon ay makakikitaan na ng makislap na ngiti sa tuwing makakahuli ng mga isda. Maya-maya pa’y inaya kami ng isang lokal na sumakay sa bangka niya at pupunta kami sa isang isla. Naghanda kami ng aming mga gamit at sumakay na nga ng bangka. iyon ang unang beses ko nakasakay ng bangka. Habang umaandar ang bangka ay makikita sa ilalim ang sobrang linaw na tubig na tila walang bahid ng tao. Narating na namin ang maliitna isla. Dito matatagpuan ang Napinto cave.
Namalagi kami dito hangaang sa maghapon. Bumalik na ang aming bangka para kami ay sunduin. Hindi ko talaga malilimutan ang kakaibang ganda ng Napinto.

Ito ang muling paglubog ng araw. Kasabay ng malamlam nitong pagbaba ay nakaramdam na ako ng lungkot dahil bukas ay aalis na ulit kami.

Kinabukasan, ay maaga kaming bumangon upang sulitin ang ilan pa naming oras sa paraiso. Hindi ako yan, andoon ako malayo.
Doon kasi yung parte na may signal kaya ako nandoon. Tinawag na kami upang mag-almusal at mag-ayos ng aming kagamitan. Habang naglalagay ako ng mga gamit sa bag ay patuloy kong nararamdaman na nasa tubig ang aking katawan. Napawi nito ang lungkot ko at binalikan ko ang aking mga naging karanasan. Maya-maya ay tinawag na kami upang umalis. Nang pasakay na kami ulit sa aming jeep ay bigla akong napahinto at nasabi sa sariling ‘worth it’. Hindi ko akalain na maeenjoy ko ang payak at tahimik na buhay na malayo sa ingay ng mga sasakyan. Nasulit ang sampung oras na byahe papunta at hindi masasayang ang muling sampung na byahe pabalik dahil higit pa sa kaunting larawan at lamang-dagat ang aking baon kundi ang lahat ng karanasan at kasiyahan na ibinigay sa akin ng San Narciso na hindi matutumbasan ng kahit ano.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento